Ako si Herbacio Bihagan Jr, tawag nila sa akin ay “Boy”. Nakatira kami sa isang maliit na kubo sa isang isla na kung tawagin nila ay Banacon. Ang ama ko, si Herbacio Bihagan ay isang emplayado ng isang insurance company sa Tagbilaran, Bohol. Ang ina ko naman na si Innocencia Bihagan ay isang guro sa isang pampublikong paaralan sa aming baryo. Bilang panganay sa walong magkakapatid ay kinailangan kong magsipag mag-aral at magtrabaho.
Hindi kami mayaman, kung kaya’t sa isang pampublikong paaralan ako nagtapos ng aking elementarya. Pagdating ko ng haiskul ay ipinasok ako ng aking mga magulang sa Immaculate Heart of Mary Semanary School, isang semenaryo sa Bohol. Nagtrabaho ng mabuti ang aking mga magulang upang makapasok ako sa isang napakagandang paaralan. Dahilan na rin sa matinding pangangailangan ng pera, imbis na ako ay maglakwatsa tuwing bakasyon, ako ay nagtatrabaho sa simbahan upang makapag-imbag ng pera sa darating na pasukan. Hindi madali sa akin ang mag-aral sa isang semenaryo , dahilan sa mga mahigpit na palatuntunan na ipinapatupad sa buong paaralan. Araw-araw, 5:30 pa lamang ng umaga ay dapat gising na kami. Ako at ang iba pang mga estudyante ay kailangang magdasal ng tatlong beses sa isang araw: isa sa umaga, isa sa hapon, at isa sa gabi.
Habang nasa semenaryo, nawili akong tumugtog ng gitara at maglaro ng basketball. Sa katunayan isa ako sa pinakamagaling na forward, guard at shooter sa amin noon. Tuwing Linggo, humihiram ako ng gitara sa simbahan at nagpapaturong tumugtog ng gitara sa aking mga kaklase.
Makalipas ng tatlong taon sa seminaryo, isa-isa kaming pinamayam ng mga pari. Sa panayam na ito malalaman kung sino ang mga maaring maging iskolar ng isang simbahan sa kolehiyo. Mapalad ako at nakasali ako sa siyam na napiling mag-aaral sa Marbel, South Cotabato. Isang pari ang nag-asikaso sa aming pagpunta doon. Noong nakarating ako roon, kumuha ako ng Pilosopiya sa Notre Dame University.
Sa aking pag-aaral nakilala ko ang Obispo ng kanilang pook. Napakabait ng Obispo sa akin, at hindi nagtagal napalapit ako sa kanya. Dahilan sa matagal kong pamamalagi sa South Cotabato ay naging bihasa ako sa pananalita ng Ilonggo. Hindi ko rin namalayan na onti-unti na palang nagbago ang aking pag-uugali. Naging masmalapit ako sa Diyos at naging masmadali sa akin ang makitungo sa ibang tao. Marami akong naging kaibigan! Kutya pa nga nila sa akin ang pangalan ng labanderang nag-aalaga sa amin, si “Tateng”. Sabi raw nila ako raw kasi ang paborito ng labanderang iyon, kaya naman hanggang ngayon, tinatawag pa rin nila akong “Tateng”.
Pagkatapos kong magtapos ng Pilosopiya, ipinadala ako ng simbahan sa lungosod ng Davao. Noong panahon ko, ang Remase Semenary School lamang ang tanging semenaryo sa Mindanao na may post graduate sa Teyolohiya. Sa eskwelahang ito, nakilala ko ang mga malalapit kong mga kaibigan ngayon.
“Malapit na ako maging isang ganap na pari. Tiyak na matutuwa ang aking mga magulang!” Bulong ko sa aking sarili. Habang ako ay nag-aaral sa Heswitang Semenaryong iyon, namulat ako sa masamng kalagayan ng ating bansa. Hindi na maganda ang diktator na pamumuno ng presidente. Pagkatapos niyang magdeklara ng Martial Law, hindi na natigil ang mga pang-aabuso ng mga militar sa mga mamamayan, kung kaya’t nang ako ay na basbasan bilang isang pari, ako ay sumali sa National Democratic Front. Sa organisasyong ito, marami-rami ring pari ang naging kabilang. Kaming mga miyembero ng NDF ay tumutulong sa mga iba’t-ibang mga samahan na tumutuligsa sa mga katiwalian na isinasagawa ng diktator na presidente. Kabilang sa NDF ang NPA o New People’s Army, na siya rin naman naming tinutulungan sa panahon ni Marcos. Minsan, nagkaroon ng isang pagpupulong sa paanan ng mga bundok ng Digos. Dito ko nakilala si “Jack”. Si Jack ang tumulong sa akin nang ako ay magkasakit sa panahon ng aming pagpupulong na iyon. Dinala niya ako sa isang nars na siyang tumutulong rin sa mga nagkakasakit na mga rebelde. Isang taon lamang ang agwat ng edad ko sa nars na iyon, ngunit ako’y napa-ibig niya sa oras na ako’y kanyang ginagamot. Roni dela Cruz ang kanyang pangalan. Matagal na siyang nagretiro sa hospital na kanyang pinagtatrabahuan dahilan sa pang-aabusong ginawa ng doctor na kanyang pinagsisilbihan doon, kung kaya’t inanyayahan ko siyang magtrabaho bilang nars doon sa Marbel. Pumayag si Roni. Noong natapos ang pagpupulong sa paanan ng bundok, kami ay sabay na pumunta sa Marbel. Naiwan naman si Jack sa Digos upang ipagpatuloy ang kanyang misyon.
Si Roni at ako ay naging malapit sa isa’t-isa. Alam kong pari ako, at walang karapatang umibig sa ibang tao, ngunit ano ang gagawin ko? Mahal ko si Roni, kung kaya’t hiningi ko ang kanyang kamay ng patago. Nalaman ko noong panahong iyon na iniibig niya rin ako at kami ay kapwang nagmamahalan. Naging patago ang relasyon namin ni Roni.
Ilang araw nang nakalipas, ipinatawag ako muli ng NDF sa Zamboanga dahil mayroon muling pagpupulong na magaganap sa kabundukan roon. Minsan, noong ako’y naglalakad, kasama ang isang lalake at dalawang babaeng mga estudyante, sa paanan ng bundok ay nadatnan kami ng tatlong mga sundalo sa aming patutunguhan. Tinutukan nila kami ng mga baril na kanilang dala. Lubos kaming natakot, ngunit hindi na lang kami lumaban upang hindi na lumaki pa ang gulo. Wala na kaming nagawa kung kaya’t kami ay dinala ng mga sundalo sa lungsod- bilangguan. Sa loob niyon, nagkahiwa-hiwalay kami ng aking mga kasama.
Bilang isang pari, ako’y nagbibigay ng misa at pagbabasa sa Bibliya sa mga bilanggo roon. Hindi nagtagal pinalaya rin nila ako dahil sa tulong ng Obispo ng South Cotabato. Nagbalik muli kami sa Marbel at nasabi ko doon sa Obispo na nais ko nang lumiban sa simbahan upang mapakasalan ko si Roni. Nanghinayang ang pari at nakiusap sa akin na dumito muna sa simbahan ng dalawa pang taon.
Lumipas ang dalawang taon at ako’y nakalabas na ng simbahan. Nagpakasal kami ni Roni sa huwes, at doon kami sa Maynila nanirahan. Gayunpaman, hindi pa rin nawawala ang lakas ng loob kong tumulong sa mga taong inaabuso ng batas na ipina-ukala ng presidente. Sumabak ako sa naganap na People Power Revolution sa Edsa. Hindi nagtagal bumaba si Marcos sa kanyang kinauupuan.
Kami ni Roni ay namuhay ng masaya at biniyayaan kami ng anak. Nagtayo ako ng isang maliit na negosyo upang matustusan ang mag kinakailangan ng aking pamilya. Tunay nga ang ligayang aking nadarama ngunit ang pagmamahal ko sa simbahan at sa aking Diyos ay nananatili pa rin sa aking puso at isipan. Kahit papaano, mayroon pa ring bahagi sa akin na nagnanais na makapamuno muli ng isang misa sa harapan ng altar at magsilbi sa maraming tao. Ang lahat ng aking pagkapari ay nananatili pa rin at walang nagbago sa aking puso. Ito ay nadagdagan lamang ng iba pang pangarap. Ito ay ang pangarap na magkaroon ng sariling pamilya at makasama ang babaeng minamahal ko habang buhay habang nagsisilbi sa Diyos. Ito ay ang isang pangarap ng isang paring nag-asawa katulad ko. Walang masama sa isang paring nag-asawa. Ako’y mananatiling isang mabuting pari, asawa at ama sa mga mata ng tao hanggang ako ay mamatay.

